Nakakaburat ang mga nangyayari sa bansa natin. Bilib na bilib pa naman sa ‘kin ‘yung mga kaopismeyts ko pag nagsasabi ako ng huwag mag-abrod. ‘You are God’s little blessing to this country . This country is failing your expectations but you are still here to give it a chance’. Kahit ako tuloy parang ayaw ko nang maniwala sa mga pinagsasabi ko. Ultimo ‘yung pagsasabi ko ng ‘Pogi ako’, ayaw ko na ring paniwalaan.
Parang gusto ko na ngang magpakalayo-layo at sa ibang bansa na lang tumira. Gagamitin ko na lang ang talino at yabang ko para lalo pang paunlarin ang mga bansang tulad ng Singapore at Australia. At siyempre, dun na rin ako magba-blog. Sisimulan ko ang aking blogpost ng payak na bati tulad ng ‘Gud day mate. Greetings from down undah’. Pero sa kabilang banda, nagdadalawang isip pa din naman akong iwanan ‘tong bansang ‘to. Isipin mo kung si Lozada na intsik beho ay mahal na mahal ang Pinas, ako pa kaya na isang lehitimong 100% purong exotic na nagmula pa sa mga lahing Ita-Indones-Malay.
Medyo nakakabadtrip nga lang talagang isipin na ‘yung pipti tawsan pesos na tax na binabayaran ko taun-taon e mababalitaan ko na lang sa tv na ninanakaw na pala ng mga pulitiko. Amazing packing sheet. Pipti tawsan pesos, isipin mo yon? Buti sana kung pinambili ng gobyerno ng asin na sinasahog sa kanin ng mga taga Payatas, e hindi eh. Nakakahinayang. Biruin mo, ilang DVD ng haponesang hubad na sumisigaw ng ‘Boku no shiri ni kisu siro’ [kiss my ass] sana ang mapapanood ko sa halagang pipti tawsan. Inis.
Para mabawasan ang tantrums ko, boys night out kami nung isang gabi para manood ng Vantage Point sa Greenbelt kasama ang ‘Tatlong Itlog’ at si pareng Jay. Hindi ko alam kung nananadya pero tayming naman ang pelikulang Vantage Point sa nae-experience nating gulong pulitika dito sa Pinas. Tungkol ito sa assassination attempts sa Presidente ng US. Umiikot ang kwento sa iba’t ibang point of views ng walong taong sangkot sa gulo – sina Dennis Quaid na gumanap na bodyguard ng presidente, Matthew Fox na bumalimbing sa kalaban, Forest Whitaker [‘yung gumanap sa Last King of Scotland] bilang usisero at marami pang iba. Pero eto na yata ang pinaka-astig na napanood ko ngayong taon. San ka pa nakapanood ng pelikulang panay ang rewind – paatras ang sequence of events para matunton ang mastermind sa pagkakabaril ng Presidente. Mamya ipa-flash sa screen ay ‘20 minutes ago’, tapos mamya ‘1 hour ago’, ‘1 day ago’. Kala ko nga masosobrahan ng pagbabalik tanaw sa nakaraan e umabot na hanggang panahon kung kelan nabuo ang lupa, karagatan at atmospera sa mundo.
Heckshuli, nakakatanggal ng bad trip ‘yung pelikula basta isipin mo lang ‘yung mga binabaril ay sina First Gentleman, Abalos, at Neri. Isama mo na rin si Lozada at iba pa. Bakit ba nangengealam ka, gusto ko nga siyang isama. Spoiler Alert! Eto lang ang pelikulang hindi ko nahulaan ang mastermind ng assassination. Kahit ikaw hindi mo talaga mahuhulaan. Pramis. Oo, ‘yung mamang sorbetero lang pala ang may pakana ng lahat ng kaguluhan. Natalo tuloy ako sa pustahan. Iniisip ko kasi ‘yung mastermind ay ‘yung paslit na babaeng pakalat kalat sa bawat eksena. Malay mo, may part II, ‘yung bata pala talaga mastermind.
Pwede kayang mangyari din ang ganitong assassination attempt kay GMA? Posible. Pag nangyari ‘yun, hindi malayong ang master mind ay ‘yung nagbebenta ng taho sa tabi tabi ng Malacañang. [Attention intelligence unit ng kapulisan, PSG, ayan, binibigyan ko na kayo ng tip].
May mga bloopers din ang pelikula. Sa Salamanca, Spain ang location ng pagkaka-assassinate sa presidente. Nagkaroon kasi ng car chase sa skyway at overpass para tugisin ang mga salarin. Pero ang totoo walang skyway at overpass sa Salamanca. Pag pinanood mo ng mabuti, parang naghahabulan sila sa skyway galing Alabang at overpass sa may bandang Cubao, hanggang maghabulan sa Quiapo sa loob ng muslim compound na nagbebenta ng pirated DVDs. Hula ko, dito talaga sa Pinas ‘yung shooting, malamang nagtipid ang producer. Nakita ko pa nga si Lito Lapid at Robin Padilla na tumambling tambling e.
Nung huli, na-save ng body guard ang presidente. Nagpasalamat ang presidente sa guard at nag-moment silang dalawa, akala tuloy ni pareng Abjil gay movie ang pinapanood namin. Oo, matinding conspiracy theory talaga to dahil mukang may relasyon nga ang bodyguard at ang presidente ng US.






Naimbitahan akong maglaro ng isang kaibigan sa Ortigas.








Bagong Puna