Pinoy Foodie

23 05 2010

Pag ganitong araw ng Linggo, maaga akong gumigising para ipagluto si misis. Importante ang linggo para sa kin dahil sex slave day i-lab-yu-misis-ko day ito. Para sa isang linggong pag-aalaga sa aming mag-ama, ito lang ‘yung araw na pwede kong i-spoil si misis kung anong gusto niyang breakfast, lunch at dinner [at ako ang kanyang midnight snack]. Pero hindi mangyayari ‘yun ngayon dahil naiwan sila sa Pinas at nandito ako nagbabanat ng buto sa bansa ng Australiano. Yo!

Ang talagang talento ko, maliban sa pagra-rap at pambobola ay pagluluto. Masarap akong magluto. ‘Yung toasted bread ko lasang gourmet sandwich. ‘Yung kaldereta ko lasang beef stroganoff. At ‘yung banana cue ko lasang crème broullet. Titirik ang mata mo sa sarap. Sabi ‘yan ng mga fans ko – na binubuo ng lola ko at ng pusa niya. Asan na sila ngayon? Patay na. Iniisip ko kung talagang panahon na nila na kunin ni Lord o nasobrahan lang ako ng betsin. Oh well.

Ok din naman magluto ang misis ko. Nag-iiba din ang lasa. ‘Yung nilaga, lasang sinigang. ‘Yung sinigang, lasang adobo. At yung adobo, lasang ‘putangina ang alat’. [Biro lang Bebeko. Nami-miss ko lang ‘yung pagsimangot mo pag inaasar ko ‘yung luto mo. ]

Dahil gusto kong magluto ng pinakbet ngayong weekend, maaga pa lang dumayo na ako sa Footscray, ang pinakamalapit na lugar na may pinoy supermarket dito sa Melbourne. Eto ‘yung equivalent ng Tondo satin at syempre ang naghahari-harian e walang iba kundi dan-dyaran — Pinoy. Pati mga bumbay nga dito nagtatagalog. Tuwang tuwa ako [hindi dahil may bumbay na nagtatagalog ng baluktot] dahil nakabili nako sa wakas ng betsin, tuyo, at paborito kong bagoong. Akalain mo ‘yun, di ko na kailangang mag-puslit sa airport ng bagoong para lang makapagluto ng pinakbet dito.


Basahin ang karugtong nitong lahok »





Changing Lives

8 02 2008

Pag nag-asawa ka na, andaming nagbabago.  Pati prayoridad sa buhay, nagbabago na rin.  Dati pag may pera, bili agad ng porn dvd, inuman, saka bili ng porn dvd ulit.  Ngayon pag may pera, bili ng kailangan sa bahay, bayad ng utang, saka bili ng porn dvd.   

Ang pag-aasawa, mahirap sa umpisa dahil maraming differences na kelangang i-sort out.  Kung meron mang bagay na compatible kaming dalawa ni BebeKo, ‘yun ‘yung pagiging makalat.  Parang binagyo ang bahay namin. ‘Yung remote control nasa loob ng ref, ‘yung brief nakasabit sa tv,  ‘yung kama nasa sala at ‘yung kwarto ay naging football field.  Suspetsa ko nga sigurado nung past life ko taga-Payatas ako.  Ang kalat ko e.  Si BebeKo naman siguro ay baboy ramo naman nung past life nya. 

Sa pag-aasawa natuto ako ng mga bagong aral sa buhay.  Tulad ng kung pano maglaba ng panty at bra ni BebeKo ng hindi ko napupunit.  Mahirap sa umpisa pero natututunan din.  Dapat ‘yung strap ng bra ang ginagamit na pangkusot dun sa bra mismo.  Lagyan ng konting detergent powder saka kusutin.  Natuto rin ako pano maglaba ng panty ni BebeKo [kahit ayaw nyang ipalaba sa kin].  Hwag dapat madiin ang pagkusot.  Ilang panty din ni BebeKo ang nasira bago ko na-master ‘yun.   

Dati, nung single pa lang at nakatira sa bahay ng mga magulang, andaming bawal.  Ngayong nagsasarili na kami, wala na ‘yung mga batas sa bahay ng mga magulang tulad ng, ‘bawal kumain sa harap ng tv’, ‘don’t talk when ur mouth is full’, at kung anu ano pang mga bawal.  Pati nga ‘yung di ko paliligo ng tatlong araw,  pinapakialaman din dati. Tama ba ‘yun ha mga parents?  Wala kasing pakialamanan ng amoy.  Kanya kanya na ‘to.   Ngayon, kami na ni BebeKo ang gumagawa ng sarili naming house rules.  Kahapon nga, sinubukan kong kumain nang nakahiga sa kama habang nanonood ng tv.  May papindot pindot pa ako ng remote control na nalalaman  gamit ang paa.  Malamang pag ginawa ko to sa ‘min, sapok, pingot ang aabutin ko.  Na may kasama pang pukpok ng kaldero sa ulo.   

Ngayon para kaming nakawala sa kural ni BebeKo.  Amin ang mundo.  Nagkukulitan at naghahabulan sa buong kabahayan ng hubo’t hubad [ako lang pala, hehe].  Kahit may mga panahong kapos sa budget, masaya pa rin.  Pag walang pera, nagiging bonding moments na nga lang namin ang pisain ang pimple ng bawat isa.    

BebeKo:  ‘Para kanino yang pimple mo sa ilong? [selos]’
Ako:  ‘Para sa ‘yo yan, kaw lang labs ko’.
BebeKo:  ‘Tara, pisain natin’. 

Trsssh!  Yak daw o.  Hehe.  San ka pa.  Nakakaaliw ang pagsasama namin.  Parang dalawang siraulong nagdesisyong magbahay-bahayan.  Pero sabi nila masarap daw maging mature at normal.  Try nga rin namin minsan.   

Hindi ko alam ano bang kabutihang nagawa ng kalalakihan sa mundo at sobra sobra kung mahalin tayo ng mga partners natin sa buhay.  Natatanong ko tuloy kung karapat-dapat ba tayo sa binibigay nilang pagmamahal.   

BebeKo:  ‘Be, dito ka sa tabi ko’
Ako:  ‘Bakit?’
BebeKo:  ‘Wala, gusto ko lang.  Dito ka, now na.  As in’. 

Arruuu… Sarap talaga mainlab.  Pero may mga panahong nagkakatampuhan din naman.  Lalo na pag ayaw akong payagang lumabas kasama ng mga barkada.   

BebeKo:  ‘Labas ka ng labas.  Huwag ka ng bumalik’
Ako:  ‘Isang buwan na kaya akong di umiinom.  Hilahin ko tonsil mo, makita mo.’
BebeKo:  ‘Pisain ko kaya betlogs mo’. 

Hehe.  Pero ganyan naman talaga ang buhay may asawa.  Masayang magulo.  Away bati.  Give and teyk lang.  Sa ating lahat, Hapi Balentayms!








Follow

Get every new post delivered to your Inbox.

Join 139 other followers